Huwebes, Abril 11, 2013

"SALAMAT INAY, ITAY"

Sabi nga nila ang mga magulang ay parang sapin sa paa, kasa-kasama mo kahit anong klaseng daan ang tatahakin mo. Kayo ang bumubuo sa kalahati ng aming pagkatao. Hindi kailanman maiaalis ang pagiging magulang ninyo sa amin at ganoon din ang pagiging anak namin sa inyo. Sa maraming pagkakataong nakasama namin kayo, alam naming kilala na ninyo kami ng lubusan. Minsan nga kahit hindi kami nagsasalita, basang-basa ninyo ang gusto naming sabihin. Sasambitin palang namin ang pangalan ninyo (nay, tay, mommy, daddy, mama, papa), alam niyo na, hihingi kami ng pambayad sa school o sa requirement. Isang text lang namin ng ANONG GINAGAWA NIYO? O KUMAIN NA BA KAYO? Alam niyo nang may kailangan kami. Totoo naman po ang mga iyon dahil sa nag-aaral marami ding nararapat na pagkagastusan . Pero nanay at tatay, alam ba ninyong mahirap din para sa amin ang manghingi dahil alam din naming hindi ganoon kadali ang maghanap para lamang may maiabot kayo sa amin? Minsan kayo pa ang nagpapasensya dahil kulang o huli ang pagpapadala o pagbibigay ninyo ng pera, pero ni hindi man lang namin magawang magpasalamat dahil ginagawan talaga ninyo ng paraan ang lahat. Lumalaki kaming dumarami ang kagustuhan: dapat may bagong cellphone kasi mayroon ang classmate ko, dapat may laptop kasi kailangan sa paggawa ng project, dapat may bagong damit kasi bumili yung barkada ko, dapat sa apartment ako at hindi sa boarding house, dapat hindi bababa sa isanlibo ang baon ko at maramin pang iba.  Sana huwag ninyong sisihin ang sarili ninyo kung minsan nabibigo kayong maibigay ang mga pangangailangan namin, dahil walang wala ang hirap ng pag-aaral, ang pag-upo lang maghapon sa loob ng silid-aralan, ang pagpupuyat sa gabi kumpara sa mga sakripisyo ninyo maitaguyod hindi lamang ang aming pag-aaral kundi ang buong pamilya. Kami ang walang karapatang magreklamo at kami ang mas dapat nakauunawa sa inyo. Ngunit mas pinipili ninyong huwag na lamang magsalita at kumontra dahil ayaw ninyong masira ang aming mga pangarap.
Alam rin ninyo kung kailan kami nagsasabi ng totoo at hindi. Siguro bilang na bilang niyo na kung ilang beses kaming nagsinungaling sa inyo. Marami kasing impluwensiya sa paligid at minsan nakagagawa ng kalokohan. Pasyal dito, bili doon. Kain dito, pulutan doon. Bagsak dito, shift doon, boyfriend dito, girlfriend doon at marami pang iba. Para kayong CCTV, sa kahit na anong anggulo, alam ninyo ang ikot ng buhay naming.  At sa kagustuhan naming gawin ang makapagpapasaya sa amin nakakalimutan naming maaaring masira ang inyong tiwala. Kayo pa nga ang unang nagtatanong kung totoo ba na ganito, na ganyan? Sadyang napakabait ng Panginoon dahil ang magulang ang unang tumatanggap ng pagkakamali ng isang anak. Mabingi man kami sa napakahabang litanya mo ‘nay at sermon mo ‘tay, sa huli kayo parin ang sumasalo sa amin. Sa bawat pagbabawal ninyo, iniisip naming pinaghihigpitan niyo kami. Sa bawat payo ninyo, pakiramdam namin wala kayong tiwala sa amin. Mali kami. Sino  bang magulang ang nagnanais na makitang napasama ang kanyang anak? Sinong magulang nais masira ang buhay ng anak?
Higit sa lahat alam ninyo kung ano ang tunay naming nararamdaman. Wala kaming maitatago sa inyo. Dahil habang tayo ay magkasama ay buhay na buhay ang ating koneksyon. kung kailan kami malungkot kayo ang nagiging clown namin, kung kailan kami masaya kayo ang number 1 cheerer namin, kung may pinagdadaanan kami kayo ang tagapagligtas naming at kung may napagtagumpayan kami kayo ang number 1 fan namin. Kahit napakahirap para sa aming huwag ipaalam sa inyo, kusa ninyo kaming  yayakapin at sasabihing okay lang yan. Para kayong 3 in 1 instant coffee, nakahanap kami ng tunay na kaibigan sa inyo, ng tagapayo at higit sa lahat mapagkalingang magulang. Pasensya na kayo kung hindi man lang namin kayo madamayan sa mga problema sa bahay, kayo kasi mas pinipili ninyong huwag ipaalam sapagkat ayaw ninyong maguluhan ang isip namin at hindi makapagfocus sa aming pag-aaral. Hindi niyo gugustuhing maistorbo kami at ayaw ninyong dumagdag sa mga pinagkakabalahan namin.
Kahit kailan siguro ay hindi namin magagawang mapasalamatan kayo ng lubusan sa pagiging mabuting magulang ninyo sa amin. Walang anumang salita o gawa ang makakapantay ng buung-buo sa mga di maawat na pagmamahal, paghihirap, pag-aalaga at pagsasakripisyo na inilaan niyo sa amin at sa aming mga kapatid. Walang material na bagay ang makahihigit sa inyo sa aming puso. Walang sinuman ang higit na makakapagbibigay ng kahulugan sa aming buhay kundi kayo.  Sa inyong kamay, natuto kaming tumayo sa sarili naming mga paa, sa inyong bibig natuto kaming umunawa at sa inyong yakap natuto kaming magmahal. Kailanman ay hindi kami magsisisi na kayo ang ibinigay sa amin bilang magulang dahil para sa amin kayo ang THE BEST. At hindi sa gabing ito magtatapos ang aming pagpapasalamat sa inyo. Maraming salamat nanay at tatay, mahal KO kayo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento