Sabi nga nila ang mga
magulang ay parang sapin sa paa, kasa-kasama mo kahit anong klaseng daan ang
tatahakin mo. Kayo ang bumubuo sa kalahati ng aming pagkatao. Hindi kailanman
maiaalis ang pagiging magulang ninyo sa amin at ganoon din ang pagiging anak namin
sa inyo. Sa maraming pagkakataong nakasama namin kayo, alam naming kilala na
ninyo kami ng lubusan. Minsan nga kahit hindi kami nagsasalita, basang-basa
ninyo ang gusto naming sabihin. Sasambitin palang namin ang pangalan ninyo
(nay, tay, mommy, daddy, mama, papa), alam niyo na, hihingi kami ng pambayad sa
school o sa requirement. Isang text lang namin ng ANONG GINAGAWA NIYO? O KUMAIN
NA BA KAYO? Alam niyo nang may kailangan kami. Totoo naman po ang mga iyon
dahil sa nag-aaral marami ding nararapat na pagkagastusan . Pero nanay at
tatay, alam ba ninyong mahirap din para sa amin ang manghingi dahil alam din
naming hindi ganoon kadali ang maghanap para lamang may maiabot kayo sa amin? Minsan
kayo pa ang nagpapasensya dahil kulang o huli ang pagpapadala o pagbibigay
ninyo ng pera, pero ni hindi man lang namin magawang magpasalamat dahil
ginagawan talaga ninyo ng paraan ang lahat. Lumalaki kaming dumarami ang
kagustuhan: dapat may bagong cellphone kasi mayroon ang classmate ko, dapat may
laptop kasi kailangan sa paggawa ng project, dapat may bagong damit kasi bumili
yung barkada ko, dapat sa apartment ako at hindi sa boarding house, dapat hindi
bababa sa isanlibo ang baon ko at maramin pang iba. Sana huwag ninyong sisihin ang sarili ninyo
kung minsan nabibigo kayong maibigay ang mga pangangailangan namin, dahil
walang wala ang hirap ng pag-aaral, ang pag-upo lang maghapon sa loob ng
silid-aralan, ang pagpupuyat sa gabi kumpara sa mga sakripisyo ninyo maitaguyod
hindi lamang ang aming pag-aaral kundi ang buong pamilya. Kami ang walang
karapatang magreklamo at kami ang mas dapat nakauunawa sa inyo. Ngunit mas
pinipili ninyong huwag na lamang magsalita at kumontra dahil ayaw ninyong
masira ang aming mga pangarap.
Alam rin ninyo kung
kailan kami nagsasabi ng totoo at hindi. Siguro bilang na bilang niyo na kung
ilang beses kaming nagsinungaling sa inyo. Marami kasing impluwensiya sa
paligid at minsan nakagagawa ng kalokohan. Pasyal dito, bili doon. Kain dito, pulutan
doon. Bagsak dito, shift doon, boyfriend dito, girlfriend doon at marami pang iba.
Para kayong CCTV, sa kahit na anong anggulo, alam ninyo ang ikot ng buhay
naming. At sa kagustuhan naming gawin
ang makapagpapasaya sa amin nakakalimutan naming maaaring masira ang inyong
tiwala. Kayo pa nga ang unang nagtatanong kung totoo ba na ganito, na ganyan? Sadyang
napakabait ng Panginoon dahil ang magulang ang unang tumatanggap ng pagkakamali
ng isang anak. Mabingi man kami sa napakahabang litanya mo ‘nay at sermon mo
‘tay, sa huli kayo parin ang sumasalo sa amin. Sa bawat pagbabawal ninyo, iniisip
naming pinaghihigpitan niyo kami. Sa bawat payo ninyo, pakiramdam namin wala
kayong tiwala sa amin. Mali kami. Sino
bang magulang ang nagnanais na makitang napasama ang kanyang anak?
Sinong magulang nais masira ang buhay ng anak?
Higit sa lahat alam
ninyo kung ano ang tunay naming nararamdaman. Wala kaming maitatago sa inyo. Dahil
habang tayo ay magkasama ay buhay na buhay ang ating koneksyon. kung kailan
kami malungkot kayo ang nagiging clown namin, kung kailan kami masaya kayo ang number
1 cheerer namin, kung may pinagdadaanan kami kayo ang tagapagligtas naming at kung
may napagtagumpayan kami kayo ang number 1 fan namin. Kahit napakahirap para sa
aming huwag ipaalam sa inyo, kusa ninyo kaming yayakapin at sasabihing okay lang yan. Para
kayong 3 in 1 instant coffee, nakahanap kami ng tunay na kaibigan sa inyo, ng tagapayo
at higit sa lahat mapagkalingang magulang. Pasensya na kayo kung hindi man lang
namin kayo madamayan sa mga problema sa bahay, kayo kasi mas pinipili ninyong
huwag ipaalam sapagkat ayaw ninyong maguluhan ang isip namin at hindi
makapagfocus sa aming pag-aaral. Hindi niyo gugustuhing maistorbo kami at ayaw
ninyong dumagdag sa mga pinagkakabalahan namin.
Kahit kailan siguro ay
hindi namin magagawang mapasalamatan kayo ng lubusan sa pagiging mabuting
magulang ninyo sa amin. Walang anumang salita o gawa ang makakapantay ng
buung-buo sa mga di maawat na pagmamahal, paghihirap, pag-aalaga at pagsasakripisyo
na inilaan niyo sa amin at sa aming mga kapatid. Walang material na bagay ang
makahihigit sa inyo sa aming puso. Walang sinuman ang higit na makakapagbibigay
ng kahulugan sa aming buhay kundi kayo. Sa
inyong kamay, natuto kaming tumayo sa sarili naming mga paa, sa inyong bibig
natuto kaming umunawa at sa inyong yakap natuto kaming magmahal. Kailanman ay
hindi kami magsisisi na kayo ang ibinigay sa amin bilang magulang dahil para sa
amin kayo ang THE BEST. At hindi sa gabing ito magtatapos ang aming
pagpapasalamat sa inyo. Maraming salamat nanay at tatay, mahal KO kayo.

